Kung Papipiliin Akong Maging Insekto,  Alitaptap Ito’t Hindi Gamu-Gamo.

ni Yves Collin I. Angeles



Sumapit ang alas dose ng gabi na ako’y nakabilog sa grounds ng school kung saan ginagawa ang Youth Camp, ang buwa’y tila puno ng yabang na ibinubunyag ang kaniyang ganda, ang bonfire na kasisindi lamang, hudyat na panahon na para magkaroon ng reflection ang bawat dumalo. Nung tinanong ako ng ukol sa mga insekto, parang napanood ko muli ang sarili kong mga alaala dumaan sa harap ng salamin. Naalala ko ang malalamig na simoy ng hangin sa gabing tumatambay ako sa luma't marupok na terrace ng bahay namin. Doon, sa ilalim ng madilim na langit na mistulang sinakluban ng dambuhalang itim na tela, ang bombilya sa itaas; tinutupok ng liwanag, ay parang hari sa gitna ng gubat ng kadiliman—pinalilibutan ng gamu-gamong tila mga aliping uhaw na uhaw sa atensyon; handang mag-alay ng kanilang sarili.


Habang nakaupo ako roon silyang kahoy, pinapanood ko sila, may tanong sa isipan, di mawari kung para saan. Sa patuloy na pagmatyag, kitang sa bawat paglapit ng gamu-gamo sa bombilya’y may labis na pagkasabik, na parang ang init at liwanag ang kulang sa kanilang mga tanong na pilit hinahanapan ng sagot. Ang kanilang mga pakpak, manipis na tila isang yapos ng hamog, ay madalas na humahalik sa baga ng liwanag. Ilan sa kanila ang babagsak katawa’y hapo ng pagod, sugatan, o kaya nama’y tuluyan nang nilalamon ng nangaggalaiting apoy. 


Hindi ko maiwasan ang tanungin ang sarili, Bakit nila ginagawa ito? 


Sabi ng mga matatanda, mga haka-hakang may iilan lamang basehan, ang liwanag daw ang kanilang pahinga, tila isang gamot na laging hinahanap-hanap—parte ng kanilang buhay. Ngunit sabi ng agham, naliligaw na sila, napagkakaitan ng liwanag ng buwan na dati nilang sinusundan. Ngayon, sa dami ng artipisyal na ilaw, nalilito na ang kanilang mga instinct. At doon ko rin naisip, sa paghahanap nila ng sagot, sa mundong walang kasiguraduhan, pangit mang isipi’y natatagpuan nila ang kanilang katapusan.


Pero sa bawat tingin ko sa gamu-gamo, hindi ko mapigilang isipin ang alitaptap. 


Oo, dahil ibang-iba ang alitaptap. Sa gabi, kapag tahimik na ang mundo, karamiha’y tulog, ang mga ilaw nito’y tila maliliit na bituing humahalik sa lupa. Hindi sila alipin ng liwanag—sila ang liwanag. 


Habang pinapanood ko ang mga alitaptap sa aming terrace, naisip ko, ganito ang gusto kong maging. Hindi ko kailangang tumakbo patungo sa apoy, sa liwanag na maaaring tumupok at sumunog sa akin. Mas pipiliin kong maging tanglaw, maging gabay sa iba, kaysa habulin ang isang bagay na maaaring magdulot ng aking pagkawasak. Dahil dito, ang alitaptap ay nagpaalala sa akin ng isang talata mula sa bibliya, kasabay ng pagtupok ng apoy sa mga tuyot na kahoy sa gitna ng nakabilog na mga pigura—mga estudyanteng dumalo sa pagtitipon, maalala ko ito, mula Mateo 5:14-16: "You are the light of the world... let your light shine before others, that they may see your good deeds and glorify your Father in heaven." 


Paano nga ba maging liwanag sa mundo? 


Nagliparan pabalik ang mga alalaala, sa simpleng pagsindi ng kandila sa altar noong sakristan pa ako, sa bawat dasal na binibigkas ko, o sa tuwing tumutulong ako sa mga nangangailangan, natutunan kong ang pagiging liwanag ay hindi para ipakita kung gaano ka ka-dakila. Ito’y isang responsibilidad—isang tawag mula sa Diyos na ibahagi ang Kanyang biyaya sa iba.


Ngayong iniisip ko


Kasabay ng paghina ng noong una’y pinagkakapitagang lakas at ningas ng apoy, kung magiging insekto ako, hindi ko na kailangang magdalawang-isip. Wala akong pake kung kakailanganin ko pang humingi ng dispensa sa mga gamu-gamo, pero tiyak na mas nanaisin kong maging alitaptap—maging liwanag na hindi nananakit; liwanag na gumagabay, liwanag na nagmumula sa puso ng Diyos. 


Tulad ng alitaptap, gusto kong maging simbolo ng pag-asa at lakas sa isang mundong nababalot ng dilim.


Comments

Popular posts from this blog

Beach waves to City lights by Aliyah Barut

Aurora’s Serenity: A Journey to Reconnect with Nature By: Princess Helena G. Cruz

Four Destinations, One Adventure by: Althea Allyson Chua